METRO MANILA, Philippines — Kasabay nang pagdadagdag ng CCTV cameras dahil sa no-contact apprehension policy (NCAP) ay maaring magbawas naman ang bilang ng kanilang traffic enforcers ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ang inamin nitong Martes ni Atty. Victor Nunez, director ng MMDA Traffic Enforcement Group, sa pagdinig ng Senate committee on public services matapos tanungin ni Sen. Raffy Tulfo ukol sa kahihitnan ng traffic enforcers kapag dumami na ang CCTV cameras sa mga lansangan.
Ngunit sinabi ni Nunez na hindi agad-agad ang pagbabawas dahil konti pa lang ang kanilang security cameras na may artificial capabilities.
BASAHIN: Road accidents, traffic violations dumami sa pagsuspindi sa NCAP
Iminungkahi na lamang din ni Tulfo na huwag na magbawas ng traffic enforcers dahil maraming pangyayari sa mga lansangan ang kailangan agad marespondehan.
Tugon ni Nunez na posible din ang nais ng senador, ngunit aalisan ng kapangyarihan ang traffic enforcers na mag-isyu ng traffic citation ticket.