Hindi kailangan ang face mask para iwasan mpox – DOH
METRO MANILA, Philippines — Nilinaw ng Department of Health (DOH) nuong Linggo na hindi kailangan na magsuot ng face mask para makaiwas sa mpox.
Ipinaliwanag ng DOH na ang mpox ay naihahawa kapag nadikit sa may taglay na nito at hindi ito katulad ng COVID-19 na maaring maihawa sa pamamagitan ng hangin.
“Sa airborne illness ‘yun kagaya ng COVID, pero sa sakit na ito na skin-to-skin contact ang hawaan, ay mag-long sleeves ka at huwag dumikit sa mga taong may nakapantal. Kung ikaw naman ay may sakit ay maglagi ka sa bahay para hindi ka makahawa ng ibang tao,” sabi ni Health Secretary Ted Herbosa.
BASAHIN: Derma clinic, spa sa QC na binisita ng mpox carrier natukoy
Ginawa ng kagawaran ang paglilinaw dahil ilang lokal na pamahalaan ang nag-abiso sa kanilang mamamayan ukol sa pagsusuot ng face mask para makaiwas sa mpox.
Ayon kay Herbosa ang Clade II strain ng mpox ang nakumpirmang kaso sa Pilipinas.
“Iyong mpox natin is ‘yung Clade II. Ito ‘yung mild at self-limiting. Ibig sabihin magpapantal-pantal ka. Pangit pero magre-recover ka, at kung mag-stay ka lang sa bahay at mag-isolate ka, hindi ka makakahawa ng ibang tao so hindi siya nakakatakot,” dinagdag pa ng kalihim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.