METRO MANILA, Philippines — Prayoridad ang 200,000 pasahero ng EDSA Busway sa pagsasa-ayos ng EDSA simula sa darating na ika-13 ng Hunyo.
Ito ang inanusiyo ni Transportation Secretary Vince Dizon II, at aniya ito ang utos ni Pangulong Marcos Jr. upang hindi maapektuhan ang pagbiyahe ng busway commuters.
“Ang priority ng pangulo, ‘yung 200,000 na commuters na gumagamit ng busway araw-araw. Alam natin na magkaka-aberya, mas magkaka-traffic ng matindi. Ang sabi ng pangulo gawan ng paraan para maibasan ang aberya. Kailangan maghanap tayo ng ibang paraan,” ani Dizon.
BASAHIN: Odd-even scheme sa mga sasakyan ikakasa sa EDSA rebuild
Ayon sa kanya, magdadagdag pa ng 100 na bus na bibiyahe sa EDSA Carousel lane upang mahikayat ang mga motorista na sumakay na lamang sa pampublikong sasakyan.
Dagdag pa ng kalihim, dalawang bus lamang ang papayagan na maghintay ng mga pasahero sa bawat busway stop at tatagal lamang ito ng 30 na segundo para mabilis ang biyahe.
May mga gagawin din mga pagbabago sa pagsakay at biyahe ng MRT 3 para sa mabilis na paggalaw ng pila ng mga pasahero at madagdagan ang kapasidad nito.
Magtatagal ang EDSA Rebuild project hanggang 2027, ayon na rin sa Department of Public Works and Highways.